Alam kong hindi naman ako ganun kaganda. Ewan ko lang kung ganyan din ang pananaw ng iba. (yeah!) 😀 Unang beses ko palang na tinignan ang mukha ko sa salamin alam kong wala akong anumang espesyal na katangian na pupuwedeng ipagmalaki. Simple lang ang hitsura ko. Ordinaryo. Maliban siguro sa isang pares ng mga matang meron ako. Madalas sabihin ng aking mga koligs na maganda daw ang aking mga mata, kahit hindi na daw ako magsalita pa, masasalamin na sa aking mga mata ang nais kong sabihin. Naipapahayag na raw nito ang emosyong nais kong iparating. Siguro nga, kase nilalakihan ko ang mata ko sa tuwing nagagalit ako at naninigkit naman sila kapag ako ay tumatawa. At dahil na rin sa sinabi nilang iyan, pumipikit ako kapag nais kong murahin ang isang kaasar-asar na tao sa harapan ko, baka kasi mabasa niya sa mga mata ko na gusto kong sabihin sa kanya ang “isa kang baboy ramo!” tsk!
Kaya totoong nalungkot ako sa naging resulta ng isinagawang eksamin sa aking mga mata mula sa katatapos lang na physical examination namin dito sa iskul, pinayuhan ako ng opto na kailangan ko na daw magsuot ng corrective lenses. Unang letra palang kasi sa line 8 ng eye chart ay hindi ko na mabasa, sa line 7 naman ay hanggang sa pangalawang letra lang, yung pangatlo palpak na. Akala ko kasi normal lang yung nanlalabo ang aking paningin dahil sa buong araw na pagkatutok sa harap ng computer. Pati narin ang madalas na pagsakit ng ulo ko at madaling pagkapagod ay isinisi ko sa anemia, yun pala lumalala na ang astigmatism ko, pero pasalamat parin dahil hindi naman daw ako kailangang operahan, pupuwede pa siyang itama ng salamin sa mata o kaya naman ay paggamit ng contact lens. Kaya lang, alinman sa dalawa ay ayokong subukan.
Matigas ang ulo ko dahil ayokong sundin ang sinabi ng doktor, natatakot kasi ako na kapag nagsuot ng salamin sa mata ay hindi ko na mapigilan ang lalong pagkapal nito at tuluyan na akong dumepende sa kanya. Mula sa lolo ko hanggang sa mga pinsan ko ay nakita ko kung paano sila gawing alipin ng pagsusuot ng salamin, parang napakamiserable ng buhay nila kapag hindi nila ito gamit, ayokong mangyari sa akin ang ganoon.
Lalong hindi ko gusto ang magcontact lens, naiinis akong isipin na kailangan ko munang gawin ang maraming ritwal bago ko magamit o isuot ang isang bagay. Isa pa, mabilis akong makatulog at huwag ng sabihing tamad pa ako, ayokong maging mitsa ng tuluyan kong pagkabulag ang pagsuway ko sa mga hakbang ng tamang paggamit nito.
Mata na nga lang ang kaaya-aya sa akin, kaya hindi ko naman gugustuhing ito ay maapektuhan dahil may mali sa aking paningin. Inaamin kong nangyari din naman ito ng dahil sa kapabayaan ko; At habang sinusulat ko ito, sumasakit na naman ang aking ulo at nahihilo ako dahil nag-iiba na ang hitsura ng mga nakikita ko dito sa monitor, maiiwan akong walang pwedeng gawin kundi tawagan maya-maya ang opto at tuluyang magpaubaya sa mga paa ko papunta sa pinakamalapit na optical clinic para makapagpasukat ng tamang salamin para sa akin.
PS.
alam kong bagay naman sa akin ang magsuot ng salamin. Ganun yata talaga, ang kagandahan ay may kalakip na responsibilad, Hindi ko nalang papansinin ang mas dadaming tao na titingin sa akin dahil dito. Sos!