♥ the gift ♥

Araw-araw ay mahal kita,

lalong minamahal at mas mamahalin pa.

Natutuwa akong isipin na narating natin yung

ganito katagal, Magkahawak pa rin ang kamay at masayang magkaagapay.

 

Hindi lang pala ikaw yung kaklase

  kong payat at pinakamatangkad noon sa highschool,

Hindi lang pala kita isang beses lang makakasabay

sa biyahe ng buhay.

Ang akala ko noon, tagabura ng blackboard at tagatapon lang kita ng basura. Yun pala, Sa iyo iikot ang mundong aking ginagalawan…

dahil hindi ko gugustuhing mabuhay sa mundong ito kung wala ka.

 

Naging napakasaya ng 8 valentine’s day,

8 birtdays ko, 8 christmas at 8 new year..

laging tinutupad ni papa jesus ang wish ko sa lahat ng

mahahalagang okasyong ito.

 

… dahil

IKAW ANG PINAKAMAGANDANG

REGALONG NATATANGGAP KO

sa tuwina.

 

Mahal na mahal kita…

maligayang walong taon ng walang ‘sing-sayang pagsasama. Muwah!

 

 

Published in: on December 17, 2008 at 12:50 am  Comments (1)  

CUIDA

Malutong kang humalakhak sa pagsamba sa gubat,

Na pinagkukublihan ng isang batis sa pagliyag tumatayog.

Maglaho sa lihim at samyo ng bulaklak,

At sa iyong pagbabalik mapuspos ka ng galak.

Habang nakasakay ako sa LRT at naghihintay para bumaba sa bambang station, nabasa ko itong nakadikit sa isa sa mga dingding ng tren,. Malaking tulong talaga, dahil napawi niya ang aking pag-aalala, pagkainip at pagkayamot. parang gusto ko na tuloy libutin ang buong tren at basahin lahat ng mga nakadikit na "berso sa metro" ng dahil dito. " kaya lang alam kong hindi yun madaling gawin at isa pa…"approaching bambang station…" iyan na ang paulit-ulit kong naririnig..kailangan ko ng bumaba…at sana nga sa aking pagbabalik, pagharian ako ng tuwa.

♥☺♥

Nagpapasalamat ako sa lahat ng taong tumulong upang mas madaling gumaling ang aking papa na isang linggo din nanatili sa Metropolitan Medical Center. Galing! Sa mga sobrang babait na Nurses, nakakatuwang student nurses, accommodating staff (Ms. thea at ms. richelle) at syempre kay Dra. Sia na siyang cardiologist niya, pati na rin sa super cool na si Dr. Cheng ng E.R. Thank you thank you talaga. Worth it yung ibabayad sa serbisyong ibinibigay ninyo. mahal ko na kayo!

Hmmm.. yung cutie na admitting officer dun (hahaha!) salamat sa tulong, pinadali mo ang mga bagay bagay para sa akin.

Gusto ko na sanang kalimutan, pero sige..salamat din sa health insurance ni papa (hindi ko na babanggitin kung ano) kahit maraming pagpapasakit ng ulo ang naransanan namin dahil sa inyo. salamat na din.

♥☺♥

Kung ako lang ang masusunod
Aakuhin ko ang iyong pagod
‘Di ka na muling luluha
Lahat ng ‘yong dinaldala, akin na… 

Pangalawang atake mo na ito pa, sana naman hindi na masundan pa. Alam kong mahirap kase mas marami na ang mga bawal na pagkain, bawal gawin, at bawal sabihin (hehehe!) pero isipin mo nalang, gusto ka pa namin makasama ng mas matagal..saka hindi mo pa nga nakikita yung apo mo sa akin weh.

Published in: on November 7, 2008 at 3:55 am  Leave a Comment  

-Hari ng Sablay-

Eto ka na naman, pinapainit mo na naman yung ulo ko. Akala ko pa naman nagkaintindihan na tayo nung isang linggo. Psensya ka na kung sinisigawan kita, kung pinipilit kong gawin mo ang isang bagay na ayaw mong gawin dahil hindi mo gustong ibaba iyang pride mo. Pero sana maisip mo, hindi naman para sa akin yung ipinapakiusap ko sa iyo. Oo pinapakiusap (hindi ka ba nahihiya na ako pa yung kailangang makiusap sa iyo?) samantalang para sa kapakanan mo yung mga bagay na dapat sana’y kusa mong gawin. Hindi ko kinabukasan ang nakasalalay dito, hindi ako mabibiyayaan kung sakaling sundin mo ang ipinapayo ng lahat ng tao sa iyo. Hindi para sa akin ito o para sa kanila. kundi Para sa iyo. iyong-iyo lang.

Pangarap kong makita kang masaya. pangarap kong hindi mo na maramdamang nag-iisa ka. Pangarap kong maging mabuti ang buhay mo. Pangarap kong matupad ang mga pangarap mo.

Pero mahirap pala na ako lang ang nangangarap para sa iyo. Gusto ko pa sanang intindihin ang mga pagkakamali mo. Pero nasasaktan ako ngayon sa mga ipinapakita mo sa akin. Hindi ko na kayang tiisin. Lagi kong sinasabi, hindiakosidarna ..hindi ako superhero. Kaya’t patawarin mo ako, dahil sa pagkakataong ito…

pagod na ako. 

Published in: on October 27, 2008 at 5:00 am  Leave a Comment  

REUNION

                                                     Hmmm..siguro nga ms. friendship talaga ko sa totoong buhay, dahil kahit hindi naman ako palabati o palangiti sa mga taong nakakasalubong ko, (mahiyain kasi ako) mabilis akong magkaroon ng kaibigan,. at kapag sinabi kong kaibigan ko na ang isang tao, kasama na siya sa buong sistema ko.

Ako yung tipo ng kaibigang kasama sa saya at maasahang kaagapay sa lahat ng problema. Hindi man ako kunsintidor sa mga kapritso ng kaibigan ko, kakampi at ipagtatanggol ko naman siya sa lahat ng kaaway niya.

Kaya nga ngayong malapit ng sumapit ang kapaskuhan, nasasabik na akong makitang muli ang mga kaibigan ko. Alam kong mapupuno na naman ang puso ko ng galak galing sa malalakas na halakhalakan, walang sawang kwentuhan/kamustahan at higit sa lahat yakap at halik ng mga mapagmahal kong kaibigan. aysomissyouguys. xoxo

** lubos akong nagpapasalamat kay pareng  vhonne   para sa pagbibigay sa akin ng karangalang ito. salamat talaga.🙂 at kailangan ko din yata itong ipasa..kaya’t ibibigay ko siya kina: emmjaye at gracie .

Published in: on October 27, 2008 at 2:30 am  Comments (2)  

Huwag ka na umiyak

Alam kong hindi naman ako ganun kaganda. Ewan ko lang kung ganyan din ang pananaw ng iba. (yeah!)😀 Unang beses ko palang na tinignan ang mukha ko sa salamin alam kong wala akong anumang espesyal na katangian na pupuwedeng ipagmalaki. Simple lang ang hitsura ko. Ordinaryo. Maliban siguro sa isang pares ng mga matang meron ako. Madalas sabihin ng aking mga koligs na maganda daw ang aking mga mata, kahit hindi na daw ako magsalita pa, masasalamin na sa aking mga mata ang nais kong sabihin. Naipapahayag na raw nito ang emosyong nais kong iparating. Siguro nga, kase nilalakihan ko ang mata ko sa tuwing nagagalit ako at naninigkit naman sila kapag ako ay tumatawa. At dahil na rin sa sinabi nilang iyan, pumipikit ako kapag nais kong murahin ang isang kaasar-asar na tao sa harapan ko, baka kasi mabasa niya sa mga mata ko na gusto kong sabihin sa kanya ang  “isa kang baboy ramo!” tsk!

 

Kaya totoong nalungkot ako sa naging resulta ng isinagawang eksamin sa aking mga mata mula sa katatapos lang na physical examination namin dito sa iskul, pinayuhan ako ng opto na kailangan ko na daw magsuot ng corrective lenses. Unang letra palang kasi sa line 8 ng eye chart ay hindi ko na mabasa, sa line 7 naman ay hanggang sa pangalawang letra lang, yung pangatlo palpak na. Akala ko kasi normal lang yung nanlalabo ang aking paningin dahil sa buong araw na pagkatutok sa harap ng computer. Pati narin ang madalas na pagsakit ng ulo ko at madaling pagkapagod ay isinisi ko sa anemia,   yun pala lumalala na ang astigmatism ko, pero pasalamat parin dahil hindi  naman daw ako kailangang operahan, pupuwede pa siyang itama ng salamin sa mata o kaya naman ay paggamit ng contact lens. Kaya lang, alinman sa dalawa ay ayokong subukan.

 

Matigas ang ulo ko dahil ayokong sundin ang sinabi ng doktor, natatakot kasi ako na kapag nagsuot ng salamin sa mata ay hindi ko na mapigilan ang lalong pagkapal nito at tuluyan na akong dumepende sa kanya. Mula sa lolo ko hanggang sa mga pinsan ko ay nakita ko kung paano sila gawing alipin ng pagsusuot ng salamin, parang napakamiserable ng buhay nila kapag hindi nila ito gamit, ayokong mangyari sa akin ang ganoon.

 

Lalong hindi ko gusto ang magcontact lens, naiinis akong isipin na kailangan ko munang gawin ang maraming ritwal bago ko magamit o isuot ang isang bagay. Isa pa, mabilis akong makatulog at huwag ng sabihing tamad pa ako, ayokong maging mitsa ng tuluyan kong pagkabulag ang pagsuway ko sa mga hakbang ng tamang paggamit nito.

 

Mata na nga lang ang kaaya-aya sa akin, kaya hindi ko naman gugustuhing ito ay maapektuhan dahil may mali sa aking paningin. Inaamin kong nangyari din naman ito ng dahil sa kapabayaan ko; At habang sinusulat ko ito, sumasakit na naman ang aking ulo at nahihilo ako dahil nag-iiba na ang hitsura ng mga nakikita ko dito sa monitor, maiiwan akong walang pwedeng gawin kundi tawagan maya-maya ang opto at tuluyang magpaubaya sa mga paa ko papunta sa pinakamalapit na optical clinic para makapagpasukat ng tamang salamin para sa akin.

 

 

  PS.

alam kong bagay naman sa akin ang magsuot ng salamin. Ganun yata talaga, ang kagandahan ay may kalakip na responsibilad, Hindi ko nalang papansinin ang mas dadaming tao na titingin sa akin dahil dito. Sos!

Published in: on October 8, 2008 at 8:27 am  Comments (4)