♥ the gift ♥

Araw-araw ay mahal kita,

lalong minamahal at mas mamahalin pa.

Natutuwa akong isipin na narating natin yung

ganito katagal, Magkahawak pa rin ang kamay at masayang magkaagapay.

 

Hindi lang pala ikaw yung kaklase

  kong payat at pinakamatangkad noon sa highschool,

Hindi lang pala kita isang beses lang makakasabay

sa biyahe ng buhay.

Ang akala ko noon, tagabura ng blackboard at tagatapon lang kita ng basura. Yun pala, Sa iyo iikot ang mundong aking ginagalawan…

dahil hindi ko gugustuhing mabuhay sa mundong ito kung wala ka.

 

Naging napakasaya ng 8 valentine’s day,

8 birtdays ko, 8 christmas at 8 new year..

laging tinutupad ni papa jesus ang wish ko sa lahat ng

mahahalagang okasyong ito.

 

… dahil

IKAW ANG PINAKAMAGANDANG

REGALONG NATATANGGAP KO

sa tuwina.

 

Mahal na mahal kita…

maligayang walong taon ng walang ‘sing-sayang pagsasama. Muwah!

 

 

Published in: on December 17, 2008 at 12:50 am Comments (1)

Huwag ka na umiyak

Alam kong hindi naman ako ganun kaganda. Ewan ko lang kung ganyan din ang pananaw ng iba. (yeah!) :D Unang beses ko palang na tinignan ang mukha ko sa salamin alam kong wala akong anumang espesyal na katangian na pupuwedeng ipagmalaki. Simple lang ang hitsura ko. Ordinaryo. Maliban siguro sa isang pares ng mga matang meron ako. Madalas sabihin ng aking mga koligs na maganda daw ang aking mga mata, kahit hindi na daw ako magsalita pa, masasalamin na sa aking mga mata ang nais kong sabihin. Naipapahayag na raw nito ang emosyong nais kong iparating. Siguro nga, kase nilalakihan ko ang mata ko sa tuwing nagagalit ako at naninigkit naman sila kapag ako ay tumatawa. At dahil na rin sa sinabi nilang iyan, pumipikit ako kapag nais kong murahin ang isang kaasar-asar na tao sa harapan ko, baka kasi mabasa niya sa mga mata ko na gusto kong sabihin sa kanya ang  “isa kang baboy ramo!” tsk!

 

Kaya totoong nalungkot ako sa naging resulta ng isinagawang eksamin sa aking mga mata mula sa katatapos lang na physical examination namin dito sa iskul, pinayuhan ako ng opto na kailangan ko na daw magsuot ng corrective lenses. Unang letra palang kasi sa line 8 ng eye chart ay hindi ko na mabasa, sa line 7 naman ay hanggang sa pangalawang letra lang, yung pangatlo palpak na. Akala ko kasi normal lang yung nanlalabo ang aking paningin dahil sa buong araw na pagkatutok sa harap ng computer. Pati narin ang madalas na pagsakit ng ulo ko at madaling pagkapagod ay isinisi ko sa anemia,   yun pala lumalala na ang astigmatism ko, pero pasalamat parin dahil hindi  naman daw ako kailangang operahan, pupuwede pa siyang itama ng salamin sa mata o kaya naman ay paggamit ng contact lens. Kaya lang, alinman sa dalawa ay ayokong subukan.

 

Matigas ang ulo ko dahil ayokong sundin ang sinabi ng doktor, natatakot kasi ako na kapag nagsuot ng salamin sa mata ay hindi ko na mapigilan ang lalong pagkapal nito at tuluyan na akong dumepende sa kanya. Mula sa lolo ko hanggang sa mga pinsan ko ay nakita ko kung paano sila gawing alipin ng pagsusuot ng salamin, parang napakamiserable ng buhay nila kapag hindi nila ito gamit, ayokong mangyari sa akin ang ganoon.

 

Lalong hindi ko gusto ang magcontact lens, naiinis akong isipin na kailangan ko munang gawin ang maraming ritwal bago ko magamit o isuot ang isang bagay. Isa pa, mabilis akong makatulog at huwag ng sabihing tamad pa ako, ayokong maging mitsa ng tuluyan kong pagkabulag ang pagsuway ko sa mga hakbang ng tamang paggamit nito.

 

Mata na nga lang ang kaaya-aya sa akin, kaya hindi ko naman gugustuhing ito ay maapektuhan dahil may mali sa aking paningin. Inaamin kong nangyari din naman ito ng dahil sa kapabayaan ko; At habang sinusulat ko ito, sumasakit na naman ang aking ulo at nahihilo ako dahil nag-iiba na ang hitsura ng mga nakikita ko dito sa monitor, maiiwan akong walang pwedeng gawin kundi tawagan maya-maya ang opto at tuluyang magpaubaya sa mga paa ko papunta sa pinakamalapit na optical clinic para makapagpasukat ng tamang salamin para sa akin.

 

 

  PS.

alam kong bagay naman sa akin ang magsuot ng salamin. Ganun yata talaga, ang kagandahan ay may kalakip na responsibilad, Hindi ko nalang papansinin ang mas dadaming tao na titingin sa akin dahil dito. Sos!

Published in: on October 8, 2008 at 8:27 am Comments (4)

MundOng MaLungkot

dito sa isang sulok…
nag – iisip ng malalim,
naghahanap ng sagot
ukol sa mga bagay na di maarok.
 
maraming oras ang nasayang…
mga panahong di na maaring balikan
kung iisipin mo…magsisi ka man,
wala nang patutunguhan.
 
 
bakit ganun ang nakaraan?
walang hatid kundi pighati at kalituhan
nais mo mang kalimutan,
sadyang bumabalik sa gunita at isipan.
 
may mga pangarap na nais maabot
konting pag-asa at ngiti sa labi iyon ang dulot.
ngunit ka’y hirap abutin…
Sa langit nga lang ba makikita ang bituin?
 
mabuti ka naman, walang taong tinatapakan
marespeto at karapatan ng iba ay iginagalang
pero bakit kumakalam ang tiyan?
di tulad ng mga taong sa pananamantala yumaman.
 
dumating ka nang hindi alam kung saan nanggaling
basta ka nalang iniwan na kung saan baling…
sa iyo isinisisi ang isang kasalanan
na sa hinagap ay wala ka namang kinalaman.
 
ganito ba talaga ang mundo?
sadyang mapaglaro at magulo
simple lang naman ang nais mo…
maging maligaya at malayo sa siphayo.
 

*ito ay resulta nuong mga panahong pinipilit ako ng mga tao sa bahay na magparehistro at maging lehitimong botante ng pilipinas…alam kong kahit anong gawin kong paliwanag ay hindi ako mananalo sa mga katwiran kanila..(at kung manalo man, hindi rin tatanggapin..hahaha!) kaya yun, dito ko na lang isinulat..mayroon pa akong 2 taon mula ngayon para pag-isipan muli kung gusto ko na ngang makilahok sa pagboto..pero iniisip ko pa lang, ayoko na ulit..at malamang sabon na naman ako nito..tsk tsk!*

 

 

Published in: on August 27, 2008 at 5:20 am Comments (1)

Alinlangan

Hindi ko alam kung sino ang lumikha ng kwentong inyong matutunghayan, Narinig ko lang iyan sa ate ko nung ikwento niya sa dati niyang jowa… hindi ko alam kung inimbento niya lang iyan o anu.. gayunman, Sana ay ayos lang sa totoong may-akda kung ito’y aking hiramin..salamat po! Pero kung ito’y gawa ni ate..hehehe! pasensya na kung ako’y nagtsismosa.. Nung minsang nagmo-moment kayo ng ngayon ay asawa mo na..peace! =)

  May mag-asawa na laging nag-aaway. Nagagalit si misis dahil disoras na ng gabi kung umuwi ang lagi na’y lasing na si mister, at kung minsan ay inaabot pa ito ng umaga. Punung-puno na ng pagdududa ang kanyang isip. Nag-aalinlangan na ang kanyang puso. "May IBANG BABAE na yata ang asawa ko!” Pilit mang iwinawaksi sa kanyang utak ang ganitong isipin, di maiwasang magduda ng kanyang damdamin.

  Isang araw, Dahil nayaya ng mga kaibigan, umuwi na namang lasing si mister sa kanilang tahanan. Kahit galit at nag-aalinLangan, Inasikaso parin ni misis ang kanyang asawa.

  Habang ang polo nito’y kanyang hinuhubad upang punasan ang pawis na katawan, Biglang nagsalita ang kanyang mister… "Babae…Huwag mong ituloy kung anuman ang binabalak mo, Pamilyado na akong tao at Mahal na mahal ko ang asawa ko!"

  Kinabukasan ay maagang nagising ang lalaking kagabi ay lasing, Laking gulat nito nang makitang nakaayos ang damit niyang pamasok. Masasarap na pagkain sa mesa ang Nakahain, At higit sa lahat hindi yata nagsesermon ang kanyang asawa. Dahil labis na nagtataka…tinanong nya ang kanyang anak tungkol sa pagbabago ng kanyang misis. "Nak, anong nakain ng nanay mo?… kase walang imik at pinaghanda pa ako ng mga gagamitin ko…May sakit ba ang Nanay mo?”

"WaLa ‘tay, Masaya lang po si Nanay…Kase umuwi kayong lasing kagabi."

 

Ang post na ito ay Alay para sa aking yumaong lolo na si alipio… Tama pala nung sinabi ninyo noon kay nanay:   “maniwala ka kapag naglambing ang taong lasing..dahil hindi siya nagsisinungaling!”   akala ko kasi binobola niyo lang siya para may rason kayo uminom ng alak..heheh! nga pala, namimiss niyo na ba mga friends nyu dito? Naku! malamang ayaw pa nila kayung sundan.. Kase wala namang alak diyan! At sabi nga pala ni mang borleng..miss ka na niya, Pero wag mo daw siyang dadalawin ha.. =) Happy Happy Birthday ‘tay! Mwuah!

Published in: on August 14, 2008 at 6:39 am Comments (3)

Sa Wakas!…Silang mga PinakaKWELA eto na..

Kahit sa panaginip hindi ko naisip na magkakaroon ako ng sarili kong blog.(nyeks! drama queen ). Kasi mas natutuwa akong magbasa lang. isa akong lurker na tumatawa mag-isa, umiiyak na parang tanga at humahanga sa mga nababasa ko, pero syempre nahihiyang isatinig at isasulat ang mga kaligayahang dulot nito.

 

Pero dahil sa aking pamamasyal sa mundong ito, napadpad ako sa blog ng pinakamagaling na tao sa balat ng blogosperyo, si Badoodles . Halah! Daig ko pa ang pumapak ng sangkatutak na vetsin – nalasing ako, nalunod, naadik sa mga kwento niya. Magaling, magaling, magaling!

 

At ngayon, dahil hindi ko na mapigilan ang alok ng pagyaman..hehehe! malaki ang kutob ko na mananalo ako ng bonggang bonggang P15, 000. (walang kokontra! Ü) Sasali ako sa pakontes ni Master Badoodles, Project Lafftrip Laffapallooza . Kaya heto, tinipon ko ang lahat ng lakas ng loob para gumawa ng sarili kong blog. At syempre para maiboto ang mga nagpatawa sa akin, nagpagaan ng aking pakiramdam, nagbigay ng inspirasyon at higit sa lahat magpapayaman sa akin. Hehehe! ito na ang aking share.. Ang Limang Pinaka KWELANG blogs pasok!

 

 

  1. Oi!Greenpinoy – Ang kauna-unahang blog na aking napasyalan. Nakakaloka, at talagang tatumbling ka sa mga laman nito. Mabubusog ang mga mata mo sa mga kaaliw na pictures at yung kompaylesyon ng mga jokes..kikilitiin ka. Blog na sertipikadong kwela, Berdeng – berde pa… sa isip, sa salita at sa gawa.  
  2. Dear Diarya – pusang gala! Nung unang beses na bumisita ako sa amoy bulaklak na blog na ito ay nakalimot ako sa sarili. Sa sobrang saya ko, napatawa ako ng malakas, lahat ng estudyante sa loob ng opis namin napatingin sa akin..at parang gusto nilang sabihin ma’am adik ka…tama bang tumawa mag-isa? hehehe! – Really, I’m in the brink of insanity because of mr_D. konting tulak pa..baliw na baliw na!!
  3. KingDaddyRich – Refreshing…iyan ang tamang deskripsyon para dito. Hindi man sumakit ang panga mo sa katatawa, o makiliti ang utak mo sa kabalastugan, biglang gagaan ang buhay pagkatapos mong basahin ang mga isinulat niya. Naghahatid ito ng kakaibang damdamin sa puso mo…yung tulad sa nararamdaman mo tuwing dadampi sa iyong pisngi, ang hanging amihan   tuwing sasapit ang pasko.
  4. Chiksilog – Kung ang pagiging lurker ko dito ay maihahalintulad sa isang overseas worker, eh pwedeng pwede kong ialay sa blog ni ms. xienah ang kantang babalik ka rin. Dahil ang blog na ito ay hahanap-hanapin, masarap basahin ng paulit-ulit at tiyak na babalik-balikan.   Sabi nga ni vic sotto: “ang mga hirit nasa timing…iba ang dating!”
  5. Ulat ni Mariano – waaaaah! kagulat-gulat at kahindik-hindik ang pagpapakita niya ng kanyang kahubdan. Akala ko napadpad ulit sa city si tarzan. Hehehe! feeling ko nasa buhok niya ang sikreto kung bakit natutuwa akong basahin ang kanyang mga reklamo. Ang blog na ito ay astig, parang kaning lamig!

Hayan…natapos ko din..ganito pala ang feeling..ngayun lang kasi ako bumoto..sa totoo lang, hindi ako rehistradong butante..sabi nga ng tatay ko, hindi daw ako tunay na pilipino..aysus!!

basta..ipagdarasal ko nalang ngayun, mabilang ang boto ko at syempre manalo kami ng mga binoto ko..hehehe!!

ilista ko na din kaya kung panu ko gagastusin ang premyo.. "wow fifteen taw!.."

*hindi ako makakatulog neto..yari!*

Published in: on August 7, 2008 at 5:27 am Comments (9)