“Brownout sa aking mundo
Sa init naiinip, Sa dilim nangangapa,
Naalala tuloy kita.
Sori di kita hinabol…Sori tayo’y malabo…”
Sori. Hindi lang isang daang beses ko nang nasabi ang salitang iyan sa iyo. Alam ko na ang pagsasabi niyan ay may kalakip na pangakong hindi ko na muling gagawin ang bagay na alam kong ikagagalit mo sa akin. Pero heto na naman ako, nagalit na naman kita. Mag-kaaway tayo at muli, magsosori na naman ako sa iyo. Pero sa ibang dahilan, ibang pagkakataon, ibang pagkakamali at ibang sitwasyon. Wala naman kasi akong alam na pwedeng sabihin o gawin kapag nakagawa ako ng kasalanan liban sa pagsasabi ng sori. Ang mahalaga, yung sinseridad dito sa puso ko.
Tama ka. Sumusobra na nga ako., daig ko pa ang naglilihi sa mga kaartehang pinakikita at pinagagagawa ko. Tulad nga ng lagi mong sinasabi sa akin, hindi na ako bata para magtantrums pa. Pero mahihimatay naman ako kapag hindi ako sisigaw, hindi ko isasambulat yung asar ko. Kaya kahit ilang beses mong sinabing tumahimik na ako, hindi ko nagawa..me and my beautiful mouth! Ganun lang naman ako, sasabihin ko lang lahat ng gusto ko kapag galit ako tapos ayus na. okay na ako ulit.
Hindi ako marunong magkimkim ng galit. Mainitin nga ang ulo ko, pero madali rin namang mapawi iyon. OO, Maling napagdiskitahan ko yung gamut mo, nang dahil sa sobra kong asar ibinato ko sa labas ng bintana yung walang kamuwang-muwang na tableta, isang bagay na wala namang kinalaman sa tampuhan nating dalawa. walang siyang alam kundi pigilang magpantal iyang katawan mo sa tuwing kakain ka ng malalansa. Pasensya na sa antihistamine tablet na iyon, wala na kasi akong ibang nadampot hindi naman kasi pwedeng ikaw ang ihagis ko..mas malaki ka kaya kesa sa akin.
Alam kong hindi naman dapat aabot sa ganito kung tinanggap ko yung pang-aamo mo sa akin, Kaya nga lang nagmaganda pa rin ako kaya hindi kita kinausap. Kaya nung ako na yung gustong kumausap sa iyo ayaw mo na ako pansinin, pati yung alok kong imasahe kita tinaggihan mo rin at kahit pa yata mag-acrobatic ako sa harap mo hindi mo ako bibigyan kahit isang pansin.
Yun na. Alam kong napuno na kita. Kaya hanggang kaninang umaga hindi mo pa din ako tinitignan. Kahit sulyap hindi mo ako binigyan. Hindi ko naman talaga gustong mag-away tayo ng sobra, hinihintay ko lang naman na ulitin mong amuhin ako tapos okay na. Kaso ang bilis mong napagod, sumuko ka na agad. At ang masama pa nito. Mas galit ka pa sa kin ngayon.
Matitiis mo bang hindi ako kausapin buong araw? (limang oras mo na nga akong hindi kinakausap eh.) Matitiis mo bang hindi ako makita bago ka matulog? Kakayanin mo bang hindi ikaw ang gigising sa akin sa umaga para hindi ako mahuli pagpasok sa iskul? Gugustuhin mo bang uminom ng kapeng hindi ako ang may timpla? Kaya mo bang kumain sa gabi na hindi ako ang kasabay…wala nang uubos ng mga tira mong gulay. Matitiis mo bang hindi ako pautangin kapag naubos ko yung baon ko? Hindi mo ba hahanap – hanapin ang mga unan at kumot ko na sa iyo ko lang isini-share? Nanaisin mo bang hindi ko na marinig yung boses mo o kaya yung hindi mo ako makitang ngumiti?
Kaya mo ba? Matitiis mo ba ako? Gugustuhin mo bang magka-away na lang tayo?!
Kung ako ang tatanungin mo…
Hindi ko kaya lahat iyan…
Hindi kita matiis…at mas nanaisin ko pang maging kaaway lahat ng taong makakasalubong ko huwag lang ikaw. Iba kasi sa pakiramdam kapag magkagalit tayo. Malungkot ako, Madilim ang tingin ko sa mundo, Masikip at Hindi ako makagalaw.
Sana huwag ka na magalit sa akin. Sana pumayag ka na ayusin na ito. Hindi ko kayang ipangako na hindi ko na uuliting gawin yung ikinagalit mo…pero susubukan ko, yun..yung ang pwede kong ipangako sa iyo.
Kasama na sa buong pagkatao ko ang pagkakamali. Mali-mali ako diba..pero sa lahat ng pagkakamaling iyon…Ang pagdating mo sa buhay ko ang nag-iisang tama. I labsyou. I know youlabsme too.
Kaya ano pang hinihintay mo?! Huwag mo na akong tikisin, kase alam ko namang gustong – gusto mo na akong yakapin. (tamang hinala lang ito..kase malapit nang humulagpos ang huling hibla ng katinuan ko
“Maya-maya lang ay may ilaw na,
Pero sana ay malaman mo…
Magka ilaw man madilim pa rin,
Magka ilaw man, madilim pa rin kung wala ka.
kung wala ka…”