Huwag ka na umiyak

Alam kong hindi naman ako ganun kaganda. Ewan ko lang kung ganyan din ang pananaw ng iba. (yeah!) :D Unang beses ko palang na tinignan ang mukha ko sa salamin alam kong wala akong anumang espesyal na katangian na pupuwedeng ipagmalaki. Simple lang ang hitsura ko. Ordinaryo. Maliban siguro sa isang pares ng mga matang meron ako. Madalas sabihin ng aking mga koligs na maganda daw ang aking mga mata, kahit hindi na daw ako magsalita pa, masasalamin na sa aking mga mata ang nais kong sabihin. Naipapahayag na raw nito ang emosyong nais kong iparating. Siguro nga, kase nilalakihan ko ang mata ko sa tuwing nagagalit ako at naninigkit naman sila kapag ako ay tumatawa. At dahil na rin sa sinabi nilang iyan, pumipikit ako kapag nais kong murahin ang isang kaasar-asar na tao sa harapan ko, baka kasi mabasa niya sa mga mata ko na gusto kong sabihin sa kanya ang  “isa kang baboy ramo!” tsk!

 

Kaya totoong nalungkot ako sa naging resulta ng isinagawang eksamin sa aking mga mata mula sa katatapos lang na physical examination namin dito sa iskul, pinayuhan ako ng opto na kailangan ko na daw magsuot ng corrective lenses. Unang letra palang kasi sa line 8 ng eye chart ay hindi ko na mabasa, sa line 7 naman ay hanggang sa pangalawang letra lang, yung pangatlo palpak na. Akala ko kasi normal lang yung nanlalabo ang aking paningin dahil sa buong araw na pagkatutok sa harap ng computer. Pati narin ang madalas na pagsakit ng ulo ko at madaling pagkapagod ay isinisi ko sa anemia,   yun pala lumalala na ang astigmatism ko, pero pasalamat parin dahil hindi  naman daw ako kailangang operahan, pupuwede pa siyang itama ng salamin sa mata o kaya naman ay paggamit ng contact lens. Kaya lang, alinman sa dalawa ay ayokong subukan.

 

Matigas ang ulo ko dahil ayokong sundin ang sinabi ng doktor, natatakot kasi ako na kapag nagsuot ng salamin sa mata ay hindi ko na mapigilan ang lalong pagkapal nito at tuluyan na akong dumepende sa kanya. Mula sa lolo ko hanggang sa mga pinsan ko ay nakita ko kung paano sila gawing alipin ng pagsusuot ng salamin, parang napakamiserable ng buhay nila kapag hindi nila ito gamit, ayokong mangyari sa akin ang ganoon.

 

Lalong hindi ko gusto ang magcontact lens, naiinis akong isipin na kailangan ko munang gawin ang maraming ritwal bago ko magamit o isuot ang isang bagay. Isa pa, mabilis akong makatulog at huwag ng sabihing tamad pa ako, ayokong maging mitsa ng tuluyan kong pagkabulag ang pagsuway ko sa mga hakbang ng tamang paggamit nito.

 

Mata na nga lang ang kaaya-aya sa akin, kaya hindi ko naman gugustuhing ito ay maapektuhan dahil may mali sa aking paningin. Inaamin kong nangyari din naman ito ng dahil sa kapabayaan ko; At habang sinusulat ko ito, sumasakit na naman ang aking ulo at nahihilo ako dahil nag-iiba na ang hitsura ng mga nakikita ko dito sa monitor, maiiwan akong walang pwedeng gawin kundi tawagan maya-maya ang opto at tuluyang magpaubaya sa mga paa ko papunta sa pinakamalapit na optical clinic para makapagpasukat ng tamang salamin para sa akin.

 

 

  PS.

alam kong bagay naman sa akin ang magsuot ng salamin. Ganun yata talaga, ang kagandahan ay may kalakip na responsibilad, Hindi ko nalang papansinin ang mas dadaming tao na titingin sa akin dahil dito. Sos!

Published in: on October 8, 2008 at 8:27 am Comments (4)

Huling Gabi

 "Ito na ang ating huling gabi, 

Hagkan natin ang bawat sandaling nalalabi
Ng gabing kailanma’y di malilimutan
Habang mata’y nakapikit, niyakap mo akong mahigpit
Hanggang lumuhang kay pait…
Hanggang sa kahuli-hulihang saglit."

                                   -  sugarfree  

Sampung taon ako noon nung makapiling kita. Araw araw, inuutusan mo akong mag-igib para may tubig tayo sa umaga. Hindi ko alam kung ilang beses akong nagmaktol..nagdabog kapag inuutusan mo, pakiramdam ko noon hindi na ako nakakapaglaro simula nung tumira ako sa iyo.

 

Hindi ako makalabas ng kwarto kapag may laro ang Alaska..Bakit? kase naadik ka noon sa PBA, gustong gusto mo si Johnny A. at ang sabi mo sa akin..mainit ang mata ko..kasalanan ko ba na sa tuwing manood ako sa tabi mo eh laging natatalo ng Ginebra ang paborito mong Alaska. Kaloka ka talaga!

 

Minsan pa nga nagalit ka sa akin, Kasi nabasag ko yung salamin. Hindi ko naman sinasadya yun, malay ko bang hindi pala matibay ang pagkakalagay dun. Tapos pati yung pagkasira ng gripo, ako yung sinisi mo..Simula nun tuwing may dadalaw sa iyo..ikukuwento mong may kasama kang superhero..nakuha mo pa akong asarin..oo na lahat ng hawakan ko nasisira..eh panu naman kasi lahat ng gamit sa bahay mo..mas matanda pa sa iyo..hehehe (makaganti lang!)

 

Bawal manood ng tv kapag may pasok. Bawal magbasa ng tagalong romance na pocketbook. Bawal magbabad sa telepono.Bawal magpuyat. Bawal kumain ng walang place mat. Haay!! Kung iisipin mo..panu ako nabuhay nung mga panahong iyon..pero sa kabila ng lahat..masaya akong binabalikan ang mga alaala..nung mga panahong kasama kita.

 

Bakit ba kase ang hilig mo sa sorpresa. Magaling kang nurse bakit ba hindi mo iyon naalala.

Lagi tayong magkasama, pero hindi mo man lang naikwento sa aking may dinaramdam ka pala. Ang hilig mo kasing magpaluto ng bagoong..tapos inubos mo pa yung menudo at litson. Nakakainis! Sana hindi na ako gumamit ng kutsara para lahat sila napanis. Huli na ng malaman ko..lahat ng tao nagulat. Sobrang taas pala ng presyon mo. Ipinagkakaila mo pa..kahit kitang kitang tabingi na ang bibig mo.

 

Hindi ko alam kung anung gagawin ko nung isugod kita sa ospital, hindi ko alam kung nakikita mo akong umiiyak habang hawak ang iyong kamay.Dasal ako ng dasal na sana huwag kang bibitaw.

 

Mabait talaga si Papa Jesus, kasi binigyan niya pa ako ng walong buwan para maalagaan ka. Alam ko kulang pa lahat ng gabing wala akong tulog para bantayan ka. Hindi sapat yung pagod ko para makaganti sa lahat ng kabutihan mo sa amin. Hindi kayang tumbasan ng pagpapalit ko ng diapers mo..yung pagkakataong ibinigay mo sa akin..para matupad ang mga pangarap ko..

 

Mahal na Mahal kita. Hindi ko makakalimutan yung ngiti sa iyong labi kapag hahalik ako sa pisngi mo. Hindi mawawaglit sa isipan ko yung paraan ng pagtawa mo sa tuwing makakashoot si Johnny A. at lagi sa puso ko lahat ng mga bagay na ginawa mo para sa akin.. sa amin.

 

Gusto kitang yakapin..pero ayokong maramdaman ang mga kamay mong dumapo sa akin.

Nais kong ikaw ay mahagkan..pero siguro sa panaginip nalang.

Miss na miss na kita.. pero ayoko Makita ka..

Takot na takot ako sa multo diba.

 

Apat na taon na ang nakalipas…simula nung lumisan ka…

Pero sa puso at isip ko..buhay na buhay ka.

Dahil kahit kailan, hindi kita nakalimutan,

Tulad ng huli mong sinabi bago ka tuluyang nagpaalam

“walang iwanan.”

 

Salamat at mahal na mahal po kita.

pero teka..gusto ko lang talaga ay batiin ka sana,

kaya lang, paano ko ba sasabihin, auntie?…

hindi naman kase pwede ang “Happy Death Anniversary!” (ngeee!)

 

 

* in memory of my beloved auntie dodie

         Died: August 05, 2004

Published in: on August 6, 2008 at 6:22 am Comments (1)